Posted by: tigergrassroots | July 3, 2011

‘Strict rules’ sa pagpapadala ng OFWs, pinanindigan ng Malacanang

MANILA – Ipinagtanggol ng Malacanang nitong Sabado ang mahigpit na patakaran na ipinatutupad ng Pilipinas sa pagpapadala ng mga household service workers o domestic helper sa ibang bansa.

Ang pahayag ay ginawa ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, sa harap naman ng desisyon ng pamahalaan ng KSA na huwag ng kumuha ng mga kasambahay mula sa Pilipinas at Indonesia simula Hulyo 2, 2011.

“Those laws were put in place for the protection of our migrant workers,” paliwanag ni Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado.

Kabilang sa mga patakaran na ipinatupad ng Pilipinas na inangalan ng KSA ay itaas sa $400 bawat buwan ang sahod ng mga Pinay HSW mula sa dating suweldo na $200. Tutol din sila na magbigay ng larawan ng pamilya at bahay kung saan magsisilbi ang mga Pilipino.

Sa pagtaya ng pamahalaan ng Pilipinas, aabot sa 1.2 milyon ang mga Pilipino na nagtatrabaho sa KSA. Sinabing 15 porsiyento o 180,000 sa mga ito ay mga HSW.

Bukod sa usapin ng mga HSW, ipatutupad din ng KSA ang “Saudization” program kung saan bibigyan prayoridad ng kanilang pamahalaan ang pagkakaloob ng trabaho sa kanilang kababayan.

Magsisimula ang programa sa darating na Setyembre at inaasahang magiging dahilan din ito ng pagkawala ng trabaho ng maraming Pinoy sa nasabing bansa.

Ngunit ayon kay Valte, may nakahandang programa ang Pilipinas sa mga overseas Filipino workers na maapektuhan ng programa ng KSA.

“Kung hindi magkaayos, meron tayong alternative markets. Confident tayo na ma-absorb ang gusto pumunta ng Saudi Arabia. Ang iba, may programa ang DOLE (Labor department) na Balik-Pinay na livelihood training and assistance doon sa maaapektuhan kung sakaling matuloy talaga ang ban,” paliwanag niya.

Sa kabila nito, sinabi ni Valte na patuloy na makikipag-ugnayan ang pamahalaan sa KSA upang linawin ang mga ipatutupad na bagong patakaran.

Kabilang sa nais malinawan ng Pilipinas ay kung hanggang saan ang sakop ng patakaran – kung para lamang ba sa mga bagong recruit o kasama pati na ang mga dating nagtatrabaho at nais bumalik sa KSA.

Aalamin din umano kung sakop ng kautusan ng KSA ang pagkuha ng mga drayber at hardinerong Pilipino.

Una rito, sinabi ni Philippine labor attaché Albert Valenciano na nagpadala ang embahada ng note verbale sa Saudi Ministry of Foreign Affairs noong June 19 para humiling ng panibagong joint follow-up meeting. Pero hindi pa umano tumutugon ang gobyerno ng KSA. – GMA News


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Categories

%d bloggers like this: